Paggunita sa Kalinis-linisang Puso
ng Birheng Maria

(Hunyo 13, 2026)

🙏🏻UNANG PAGBASA
Isaias 61, 9-11
Pagbasa mula sa Aklat ni Propeta Isaias
Itong lahi ng aking bayan
ay makikilala sa lahat ng bansa,
pati anak nila’y
makikilala rin sa gitna ng madla;
sila’y kikilanling anak ng Panginoon saanman makita,
at tatawaging bayang pinagpala, hinirang ng Panginoon.
At ang Jerusalem
sa ginawang ito’y pawang malulugod,
anaki’y dalagang gayak ay pangkasal,
siya’y parang dinamtan
ng kaligtasan at pagtatagumpay.
Kung paanong ang binhi
ay tiyak na tutubo at sisibol,
gayun ang pagliligtas ng Panginoon
sa bayang kanyang hinirang.
Dahil dito, lahat ng bansa
ay magpupuri sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.

🙏🏻SALMONG TUGUNAN
1 Samuel 2, 1. 4-5. 6-7. 8abkd
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Pinupuri ko kayo, Poon,
dahil sa kaloob ninyo sa akin.
Pinagtatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway,
sapagkat iniligtas ninyo ako sa kadustaan.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Nagapi ninyo ang mga makapangyarihan,
at pinalalakas ninyo ang mahihina.
Kaya, ang dating mayayaman ay nagpapaupa para mabuhay.
Masagana ngayon ang dating maralita.
Ang dating baog, nagsilang ng mga anak,
at ang maraming supling ay sa lungkot nasadlak.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Kayo, Poon, ay may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
Maaari ninyo kaming patayin, maaari ring buhayin.
Maaari ninyo kaming payamanin o paghirapin.
Maaari ring ibaba o itaas.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.
Napadadakila ninyo kahit ang pinakaaba,
mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay ninyo sila sa mga maharlika,
mabibigyan ng karangalan kahit na ang dustang-dusta.
Diyos kong Tagapagligtas,
pinupuri kitang wagas.

🙏🏻ALELUYA
Lucas 2, 19
Aleluya! Aleluya!
Birheng Mariang matapat
sa pagsunod sa pahayag
ng D’yos na Tagapagligtas.
Aleluya! Aleluya!

🙏🏻MABUTING BALITA
Lucas 2, 41-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
ayon kay San Lucas
Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.
Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

🙏🏻PANALANGIN NG BAYAN
Pari: Idalangin natin sa Diyos na mapagmahal nating Ama na sa pagsunod natin sa halimbawa ni Maria, sa tuwina ay hanapin at tuparin natin ang kanyang kalooban.
#Tugon:
Ilapit Mo kami sa Iyo, Ama.
1. Ang Simbahan nawa’y maipakita ang kababaang-loob ni Maria sa pamamagian ng kusang-loob na paglilingkod sa Diyos at sa tao, manalangin tayo sa Panginoon.
2. Si Kristo nawa’y makatagpo ng isang bukas na tahanan sa puso ng mga tao katulad ng natagpuan niyang nakahandang tirahan kay Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
3. Ang tunay na diwa ng pananalangin nawa’y tumimo nang malalim sa puso ng mga tao upang marinig nila ang daing ng mga dukha kung paanong lumagos ito sa Kalinis-linisang Puso ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
4. Ang mga may karamdaman sa katawan at pag-iisip nawa’y makatagpo ng kagalingan at ginhawa sa makapangyarihang pamamagitan ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
5. Ang mga nasa bingit ng kamatayan nawa’y umasa kay Maria bilang pinanggagalingan ng kanilang lakas at kaginhawahan ng loob katulad noong siya ay nakatayo sa paanan ng krus ng kanyang Anak, manalangin tayo sa Panginoon.
Pari: Diyos na aming Panginoon at Guro, linisin mo ang aming puso upang tanggapin namin si Kristo na iyong Anak ayon sa diwa ng pananampalataya at pagsunod ni Maria. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.
Amen.

Scroll to Top